Pag-ibig sa lansangan


 "Pag-ibig" ito ang matamis na salitang nag-uugnay sa bawat nilalang sa ibabaw ng mundong ito. Sabi nila ang salita ding ito ay dahilan ng pag-iyak ng bawat pusong nasasaktan na niloko at pinabayaan. Pero marami parin ang naniniwala sa mahikang dulot ng salitang ito. 

Ang sabi ng karamihan, pag ito'y iyong naranasan ang bawat araw mo ay magkakaroon ng kulay at buhay. Kahit mahirap ang sitwasyon nagiging magaan dahil sa alam mong ikaw'y may katuwang. Isang kwento ang aking nasaksihan sa lansangan kung saan binubuhay ng dalawang mag-irog ang aking pag-asa na totoong merong pag-ibig. 

Namulat ako sa pamilyang hindi kelanman na bigyan ng ibig sabihin ang matatamis na katagang iyon. Sabi nila ang mga anak ay bunga ng pagmamahalan. Pero ang alam ko, hindi lahat ng anak ay bunga nito. Isa ako sa mga buhay na halimbawa. Hindi ko kelanman nakitaan ng pagmamahal sa bawat isa ang aking mga magulang. Hiwalay sila ng ako na ay lumalaki. 

Kaya ako'y namamangha at nagtataka kung ano nga ba ang pag-ibig. Madalas ko naman itong mapanood sa mga sine at drama sa telebisyon. Pero kelanman hindi ko pa ito naramdaman. Kaya cguro ito ang nagtulak sa akin na hindi maniwala sa pag-ibig. Meron akong mga relasyong nagdaan na humantong sa hiwalayan. Marahil sa mga panahong iyon, hindi ko pa alam kung ano ang ibig sabihin nito at kung paano ba ito panindigan. 

At cguro kaya iyon hindi naging matagumpay ay dahil sa hindi ako naniniwala sa mahika ng pag-ibig. Sa taong ito nakilala ko ang mag-asawang Lenlen at Intoy. Si Intoy ay isang lumpo simula pagkabata niya. Nakasakay siya sa isang lumang wheel-chair na bigay ng isang pari sa simbahan. Iyon nagiging gabay niya sa bawat kalsadang tinatahak sa araw-araw. 

Nakilala niya si Lenlen na nagtatrabaho bilang isang dish-washer sa isang maliit na kainan dito sa Tacloban. Naging magkaibigan ang dalawa sa loob ng ilang taon. Hanggang mahulog na ang loob ni Intoy kay Lenlen at tuluyan nang aminin ang nararamdaman sa kanya. Sa kabila ng sitwasyon ni Intoy, buong puso naman itong tinanggap ni Lenlen. 

Niyakap niya ang katotohanang mahirap at may kapansanan ang kanyang iniirog. Di nagtagal, sila ay nagsamang dalawa. Nang dahil sa kapansanang hindi naman ginusto niya, hindi siya nakapagtrabaho ng maayos at tuluyan na ngang nagpalaboy laboy sa lansangan. Nagdesisyon si Lenlen na sumama kay Intoy sa lansangan. 

Simula noon siya na ang nagtutulak sa wheel-chair ni Intoy sa kung saan man sila mamamalimos ng pagkain. Sa kabila ng mahirap na sitwasyon ng dalawa, naging masaya ang kanilang pagsasama. Minsan nakikita ko silang naglalambingan at nagkukurutan. Ayon kay Intoy, si Lenlen na ang pinakamagandang babae na kanyang nakita sa boung buhay niya. 

Sagad sa buto daw ang kanyang pagmamahal kay Lenlen. Siya daw ang bukod tanging dahilan ng kanyang mga ngiti sa araw-araw. Maligayaw siya dahil alam niyang may nagmamahal sa kanya. Ayon naman kay Lenlen, hindi niya malamanlaman kung bakit hindi niya maiwan-iwan si Intoy. Basta ang alam niya hindi awa kundi pag-ibig ang namamayani sa kanyang puso para kay Intoy. 

Noong araw ng pag-ibig, sinikap ni Intoy na makaipon ng ilang piso para makabili ng bulaklak para isorpresa ang kanyang minamahal. Naabutan ko siyang hawak hawak ang pang-regalo sa likod niya habang tumi-tsempo sa pagbibigay nito. Tuwang-tuwa naman si Lenlen sa natanggap na sorpresa. Buong puso niyang inabot ang bulaklak at sabay yakap sa kanyang minamahal. 

Bawat segundo ay naging napaka halaga at puno ng pagmamahal. Sa kabila ng kanilang sitwasyon, hindi nila pinapabayaan ang isa't isa. Ayon kay Lenlen at Intoy, magsasama sila sa habang panahon. Sa bawat lakas na ibinabahagi ni Lenlen sa pagtulak sa wheel-chair ni Intoy, ito ay nangangahulugan ng walang hanggang sakripisyo para sa kanyang minamahal. Sa aking nasaksihan, nabuhay ang aking pag-asang maniwala na meron ngang totoong pag-ibig sa mundong masalimuot.

Comments

Popular posts from this blog

The various dialects of Eastern Visayas

First Badjao teacher aims to produce more professionals from their tribe

DFA now requires online appointment system in Tacloban City